Featured

My Daughter Passed Her Board Exam

I couldn't get myself to sleep no matter what I did. Hence, I decided to just cook breakfast for my son, James, who will go to schoo...

Most Popular

Sunday, August 26, 2018

Ang Lalaki Sa Bintana

Mayroong nag-iisang kapatid ang nanay ko na malapit sa akin. Nuong dalaga pa ako, naisipan kong dalawin siya sa bagong bahay na inuupahan niya sa Guiguinto, Bulacan at manatili duon ng ilang araw. Isang araw, naisipan kong maglibot sa lugar nila. Sa di kalayuan, isang kakaibang bahay ang nakaagaw ng pansin ko. Isa itong maliit na kubo na napakapulido ng pagkakagawa. Labis akong natuwa sa napakalaki at napakalinis nitong bakuran na napapaligiran ng mababang pader at “gate”.

Simula ng makita ko ang bahay na ito, wala nang araw ang lumipas na hindi ko naisipang puntahan ito at saglit na tanawin. Hindi ko rin maiwasang mag-isip kung sino kaya ang nakatira dito at paano sila nagkakasya sa napakaliit na kubo. Sadyang kahali-halina ang kalinisan sa paligid nito.

Isang araw, may natanaw ako dito na isang matandang babae na may hawak na walis tingting. Hindi ko nakita ang mukha niya dahil nakatalikod siya pero napako ang mga mata ko sa buhok niya na kahit puti na lahat ay napakaayos ng pagkakapusod.

Duon ako nagtanong sa isang mama na nakatayo sa di kalayuan, “Mama, kilala n’yo po ba ang nakatira diyan sa kubo?”

“Hindi ineng e. Hindi sila lumalabas. Pero ang alam ko, front lang yang kubo na yan. Ang totoong bahay ay nasa ilalim ng lupa,” tugon niya sa akin.

Nagtaka ako sa narinig ko. Sino naman ang magpapatayo ng bahay sa ilalim ng lupa at bakit nila gagawin iyon?

Nuong huling gabi ng pagtulog ko sa bahay ng tiyahin ko, bigla akong nagising ng madaling araw. Una akong napatingin sa bintana. Mayroon akong nakita na isang lalaking nakadungaw duon mula sa labas. Ang nakapagtataka ay hindi takot ang una kong naramdaman nuon; bagkus ay mistula akong natulala. Pinagmamasdan ko siya at kung may kakayahan lang akong gumuhit ng larawan ng tao, malamang ay maiguguhit ko ang napakaamo niyang mukha, makintab at unat na buhok, makinis na balat at balingkinitang pangangatawan. Nakasuot siya ng pantalong maong at wala siyang pang-itaas. Napakaganda niyang lalaki at hindi ko makakalimutan kailanman ang mga mata niya.

Nang mahimasmasan ako, duon ko naisip kung bakit may lalaki sa bintana. Tinangka kong sumigaw ngunit hirap na hirap akong palabasin ang boses ko. Maya-maya lang, nagawa ko ring sumigaw ng “May tao” na siyang naging dahilan kung bakit nagising ang tiyahin ko at ang asawa niya. Biglang tumalon ang lalaki at nawala sa dilim. Agad kaming lumabas ng bahay. Nakapagtatakang isipin na naakyat niya ang bintanang napakasukol. Hindi ito magagawang akyatin ng ordinaryong tao kung hindi siya gagamit ng hagdan dahil may kataasan ito at wala naman siyang pwedeng kapitan sa pader. Ang pader kung saan naroroon ang bintana ay gawa sa pinagpatong-patong na madudulas na grava.

Ang mga nagtumbahang halaman sa ibaba ng bintana ay patunay na may tumalon mula duon. Nasisiguro kong hindi ako nananaginip lang at ang lalaking iyon ay hindi lamang isang guni-guni.

Bago ako bumalik nang Maynila kinabukasan, nagtanong-tanong pa kami sa mga tao duon kung may kilala silang lalaki na katulad ng lalaking dumungaw sa bintana nang nakaraang gabi. Wala sa kanila ang may nakikilala o nakikita man lang na ganun, ayon sa kanila.

Bago ako sumakay ng tricycle, muli kong sinaglit ang maliit na kubong iyon. Tulad ng madalas kong nakikita, walang tao dito at malinis na malinis ang paligid. Nuon ko lang naisip, bakit nga ba ako pumupunta lagi sa lugar na ito gayong napaka delikado ng daan papunta dito? Upang marating kasi ang lugar, kailangan pang tumawid sa sapa gamit ang isang napakanipis na tulay. Mapuno rin ang daan patungo sa kubo at walang mga bahay.

Tila ba hindi ko na naiisip ang kaligtasan ko nang mga panahong iyon. Hindi normal sa akin ang lumakad sa mga ganitong klaseng lugar dahil sa malaking takot ko sa ahas. Idagdag pa, paano kung may mga masasamang loob sa lugar na iyon at basta na lamang ako hilahin kung saan? Hindi ko rin maiwasang isipin na maaaring ang lalaking nakita ko sa bintana ay konektado sa bahay na ito. Hindi ko rin maipaliwanag kung papano ko natunton ang lugar na ito nuong halos kadarating ko pa lang sa Guiguinto.

Kung may katotohanan man ang mga haka-haka kong ito o kung produkto lamang ang mga ito ng malikhain kong isip ay hindi ko na nagawang alamin pa. Mula ng makauwi ako sa Maynila ay hindi na natahimik ang aking diwa.

24 taon na ang nakakaraan mula ng nangyari ito sa akin. Nakapag-asawa na ako at nagkaroon ng 4 na anak; ngunit ang kaanyuan ng lalaking iyon ay malinaw na malinaw pa ring nakatatak sa isipan ko. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit may mga araw na tila ba tinatawag ako ng bahay kubong iyon. Gusto ko itong balikan, tanawin ulit at magbakasakaling makitang muli ang mahiwagang lalaking iyon. Parang lagi na lang may nagsasabi sa akin na makikita ko pa siyang muli.

Click This To Join Our Facebook Forum ---> Center for Paranormal Studies

No comments:

Post a Comment